Hola! Due to insistent public demand, ay ninais ko po ng inyong abang lingkod, S Guru, na isalathala ang hindi pa nababasa’t nakikitang bahagi ng aking prediksyon last year.
Nakalipas na ang kalahating taon. Ngunit may natitira pang bagsik ang taon ng mga mananabong… ang taon ng KFC. Natapos na ang ungguyan nang nakaraang taon… subalit ngayo’y nahaharap ang bansa sa kaliwa’t kanang mga paratang at siraan… kaya’t dapat lamang ninyong malaman ang mga maaaring mangyari sa inyo at sa ating lahat sa mga darating pang buwan.
Basahin ang walang takot na prediksyon ng inyong lingkod na ibinase sa ginawang pag-aaral ng Chinese calendar, feng shui, astrology, bolang kristal, bahay ng gagamba at legaho ng jueteng! Tingnan kung ano ang magiging kapalaran mo sa darating pang mga buwan. Siya nga po pala, “Star” Guru po iyong nasa itaas, mahirap nang ma-MTRCB... Chairman Laguardia, peace tayo!
RAT (1948, 1960, 1972, 1984, and 1996)
Magiging maaliwalas ang taon at magiging malaya ka na. Maaari ka nang bumaba sa pinagtataguan mong kisame. Maging maingat sa mga kaibigan. Wag basta-basta tatanggapin ang iniaalok nilang pagkain lalo na pag keso dahil baka may lason ito. Magiging makulay ang iyong lovelife. Matatagpuan mo ang Mickey o Minnie ng buhay mo. Huwag lang ma-disappoint kung malalaki ang tenga niya. Mag-speech therapy ka para hindi panay ik-ik-ik ang alam mong bigkasin. LUCKY NUMBERS: 9-17; LUCKY COLOR: DEEP PURPLE
OX (1949, 1961, 1973, 1985, and 1997)
Mag-iisip ka nang malalim at itatanong sa katabi mo kung ano ba ang ox subalit kapwa kayo mapapakamot ng ulo dahil pareho ninyong hindi alam. Hmp! Mga anak kayo ng baka! May kamalasan ang iyong taon dahil napakaraming katanungan ang hindi mo mahahanapan ng kasagutan. Ihanda rin ang perang pang-tuition next semester, dahilan sa natatalo na sa bentahan ang gatas mo ng gatas ni mommy, kumakalat kasi sa TV… “Breastfeeding is best for babies”. Malungkot pati lovelife dahil di rin makukuha ang minimithing sagot sa nililiyag… malamang sa hindi ay mapapa-MOO ka na lang. LUCKY NUMBERS: 2-22; LUCKY COLOR: SHOCKING ORANGE
TIGER (1950, 1962, 1974, 1986, and 1998)
Magiging masaya ka kasi at least alam mo kung ano ang tiger! Magpakahinahon at iwasang manggigil. Ito’y taon for adventure. Bakit di subukang sumali sa circus para maiba naman ang linya mo, o dili kaya’y makipag-hide-and-seek sa mga Abu Sayyaf? Matatagpuan ang soul-mate sa pamamasyal mo sa zoo, ‘yun nga lang, magastos kung lagi mo s’yang dadalawin… P50 na kasi ang entrance. LUCKY NUMBERS: 2-11; LUCKY COLOR: NEON GREEN
HARE (1951, 1963, 1975, 1987, and 1999)
Magtataka ka rin at magtatanong sa ‘yong katabi kung ang “hare” ba ay buhok? And again sabay kayong mapapakamot ng ulo dahil pareho n’yong di alam. Hmp! Isa pa kayo! Mga anak kayo ng kuneho! Maging maingat. Wag padalus-dalos dahil malapit kayo sa disgrasya. Magiging magandang negosyo ang carrots o ang pagtatayo ng parlor. Magiging masigla ang lovelife. Mag-asawa na at garantisadong dadami agad ang anak. Paano dadami? Oops… ‘di na p’wede... alalahanin, MTRCB! LUCKY NUMBERS: 10-24; LUCKY COLOR: HOT PINK
DRAGON (1952, 1964, 1976, 1988, and 2000)
Bawasan ang init ng ulo. Wag nang hintaying bumuga pa ng apoy. Alagaan ang sarili. Mag-aerobics sa saliw ng mainam na musika’t himig tulad ng Lambada, o kaya’y Rumba. Matutupad ang pangarap na makapaglakbay sa America sa pamamagitan ng ibong bakal o kaya ay sakay ng walis. Magiging makulay ang lovelife. Magkakasyota ka ng napakarami… puti, itim, dilaw at kayumanggi. Iwasan nga lamang ang magka-AIDS, neh? LUCKY NUMBERS: 11-17; LUCKY COLOR: BLOODY RED
SNAKE (1953, 1965, 1977, 1989, and 2001)
Maging maingat sa taong ito. Ipagpaliban muna ang planong pag-aabroad dahil baka pagbalik mo, eh, inahas na ng bestfriend mo ang syota mo! Masakit ito para sa’yo. Saka mo na lang ma-re-realize na ‘di pwedeng ipalit ang dollars sa band-aid, at hindi rin pwedeng ipang-relyebo ang imported mong chocolates sa Betadine. Ugaliing gumamit ng lotion para maalis ang sobrang pangangaliskis ng balat dahil sa grabeng barak, especially ngayong malamig… Magiging swerte ka sa negosyo ng paputok lalo na ang sawa. Ok? LUCKY NUMBERS: 25-26; LUCKY COLOR: ANYTHING TRANSPARENT / SEE-THROUGH
HORSE (1954, 1966, 1978, 1990, and 2002)
Magpapatuloy ang swerte ng nakaraang mga buwan subalit mamalasin ka pag di iniwasan ang malabis na pagpusta sa karera. Panahon na para pumunta sa dentista para ipakikil ang naglalakihang mga ngipin. Ingatan ang kalusugan at kumain ng masustansyang pagkain gaya ng green leaves, darak at pulot. Magiging malungkot ang lovelife. Ipagpapalit ka ng syota mo kay Totoy Mola, ito’y hindi dahil sa sikat siya, kundi dahil wala nang maipamasahe ang syota mo… nakikiangkas na lang. LUCKY NUMBERS: 10-11; LUCKY COLOR: LIGHT BLACK / DARK WHITE… ano daw?
SHEEP (1955, 1967, 1979, 1991, and 2003)
Magiging maswerte ka sa mga darating pang mga buwan kung magiging mabait ka, subalit kung ikaw ang black sheep ng pamilya n’yo, huwag nang umasa pa, mamalasin ka na rin. Para mawala ang malas, subukang palitan ang iyong nanay at tatay, dili kaya’y, magpaampon ka na lang sa iba, iyon ay kung may tatanggap sa katulad mo, JOLOGS! Kung balak magpakabuti, kantahin ang Salmo 23 araw-araw sa buong taon. Magiging maanggo ang lovelife. Magkaka-syota ka ng Arabong may putok. Bumili ng Serc kontra hilo at suka pag kasama mo sya, ngunit kung kaya mo pa naman ay huwag na lang din. LUCKY NUMBERS: 9-13; LUCKY COLOR: ROYGBIV
MONKEY (1956, 1968, 1980, 1992, and 2004)
Wag mawalan ng pag-asa. Hindi dahil sa ipinanganak ka sa taon ng mga unggoy ay ganyan na rin ang itsura mo. Alalahaning “BEAUTY IS SKIN DEEP” pwera na lang kung matindi ang inabot mong bulutong. Suriing mabuti ang damdamin kung ano talaga ang gusting mangyari sa buhay. Hindi pwedeng hanggang ngayon ay pakamut-kamot ka lang ng ulo at tiyan diyan sa hawla mo. Magtipid-tipid na rin. Nagmamahal na kasi ang kilo ng saging sa merkado. Kung nag-iipon ng budget, subukang mag-apply sa peryahan. Buksan ang mata sa ganda ng mundo. Isiping mabuti ang pinasok mong relasyon, buweno, kung iyon ay kung hindi ka uunguyin ng syota mo… baka tangayin pa ang pinagpagura’t pinagpuyatan mong budget. LUCKY NUMBERS: 1-37; LUCKY COLOR: BLUISH RED / REDDISH BLUE… ano?
FOWL (1957, 1969, 1981, 1993, and 2005)
Hmmm…iniisip mo rin kung ano ang fowl, ano? O, wag nang itanong sa katabi dahil baka may hanip din ang kukote nyan. Hay…sige na nga, isa kang tandang. Hindi Tandang Sora o tandang pananong kundi isang magiting na manok! Magsikap para hindi maging isang kahig-isang tuka ang buhay mo. Magiging complicated ang lovelife. May tuksong lalapit at dahil ikaw ay isang tandang, hindi mo mapipigilan ang tukain sya. Isang tuka na maaaring magbunga ng isang sisiw na siyang tatapos sa kaligayahan mo. Patay kang bata ka! Lagot ka sa tatay mo! Mahal pa naman ang benta ngayon ng kabaong. LUCKY NUMBERS: 2-20; LUCKY COLOR: GLOSSY / SPARKY TANGERINE
DOG (1958, 1970, 1982, and 1994)
Maingay mong sasalubungin ang nalalabing mga buwan dahil panay ang iyong kahol. Uminom agad ng Robitussin. Ingatang mabuti ang iyong balat dahil very attractive ka ngayon sa mga pulgas. Muling titibok ang iyong puso matapos ang isang kabiguan. Tibok na magiging kabog…kabog…kabog…hanggang sa mapansin mong ito’y napapadalas, hudyat na kailangan mo nang magpa-doktor. Malamang sa hindi, HIV yan o kaya eh sakit sa puso. Alin lang naman yan sa dalawa, hindi naman siguro ‘yon nakakamatay. Darating ang bagong romansa sa iyong buhay. Mamahalin mo siya kahit mukha siyang Dalmatian. At kung sakaling magkatuluyan kayo, apat agad ang magiging anak ninyo. Papangalanan ninyong Blackie, Whitie, Brownie, at syempre Bogard. Balitaan mo ako pag nanganak na ang misis mo. Tsaka, pahingi na rin nung isa… gusto ko sana eh, ‘yung batik. LUCKY NUMBERS: 1-12; LUCKY COLOR: OLIVE BROWN / JAVA GREEN… aahh… ano?
PIG (1959, 1971, 1983, and 1995)
Magbago ka na and stop acting like a male chauvinist pig! Wag kang mangulekta ng mga “Babes” sa ‘yong koral. Ang pagiging mataba ay isang asset kaya wag ma-depress. Pwede kang maging sumo wrestler. Magiging masaya ang lovelife. Darating ang pinakabago mong “Babe”. Maging pino nga lang sa pag-uugali lalo na sa harap ng mesa. Baka ma-turn-off siya sa ingay ng pagngasab mo sa pagkain. Tirhan mo naman, kahit papaano ng pagkain ang iyong ka-date para naman hindi lang tubig at tissue ang maiwan sa kanya. Magpa-check-up na sa doctor para mabawasan na ang baby fats, para hindi na ‘yan masyadong mahalata, kung may budget, subukang lumapit kay Dra. Vicky Belo… ipa-lipo mo. LUCKY NUMBERS: 14-30; LUCKY COLOR: GLOW IN THE DARK
- PAUNAWA -
Inyo po sanang pakatatandaan, ito ay ilan lamang sa mga prediksyon ng inyo pong abang lingkod. ‘Wag pong hayaang makaapekto ito ng negatibo sa inyong mga buhay-buhay. Ito ay gabay po lamang para sa pagtahak ninyo sa inyong patutunguhan, sa ikabubuti ng mga buhay ninyong hindi naman gaanong kagandahan…
At panghuli, ang lagi ko pong ipinaaalala sa aking mga masugid na tagahanga, ang kasabihang minana ko pa sa aking mga sinauna. Ito nga po ang nagdala sa akin sa aking kasalukuyang katayuan… sa aking kinaluluklukan… ang kasikatan ng inyo pong abang lingkod… ang maghahatid sa inyo sa katahimikan at kasaganaan, ang kasabihang magliligtas sa sangkatauhan na tunay namang kapaki-pakinabang…“Keep off the grass”.
Iyon lamang po at salamat!!! Mabuhay ako!!! Bahala kayo… Hanggang sa muli. Paalam!